Kinatigan kahapon ng Court of Appeals (CA) ang resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na sampahan ng kaso ang apat na opisyal ng isang gun company na umano’y iligal na nagbenta ng mga bala sa mga awtoridad na ginamit sa nangyaring massacre sa Ampatuan, Maguindanao noong November 2009.
Sa desisyon ng Special 17th Division ng appellate court, ibinasura nito ang apela na inihain ng mga opisyal ng Arms Corporation of the Philippines (Armscor) na sina Victor Karunungan, Eduardo Santos, Lyn Demartin Justo at Melva Valdez Libao na kumukuwestiyon sa resolusyon ng DOJ na may petsang May 13, 2011 at October 11, 2013 na mayroon umanong probable cause para sila ay litisin sa korte para sa reklamong paglabag sa Presidential Decree 1866 o batas laban sa iligal na kalakaran ng baril, bala at pampasabog.
Sa record, natuklasan na ang ilan sa mga baril na umano’y ginamit ng mga salarin sa pagpatay sa 58 katao sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao noong November 23, 2009 ay pag-aari ng Philippine National Police (PNP),
Sa pamamagitan ng mga lot number, sinabi ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na natunton nilang nagmula sa Armscor ang ang mga balang ginamit sa mga armas.
Gayunman, iginiit ng PNP-Firearms and Explosives Division na hindi sila nag-isyu ng permit para sa pagbili ng mga bala para sa mga pulis sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaya’t iligal anila ang mga biniling bala mula sa nasabing gun store.
Nagkakahalaga ng P20 milyon ang transaksyon para sa isang milyong rounds ng mga bala.