Sa kulungan ang bagsak ng isang 37-anyos na Belgian nang takasan nito ang mahigit P200,000 hotel bill sa isang luxury hotel sa Makati City nitong Huwebes nang hapon.

Kasong Estafa ang isinampa ng Makati Police laban sa dayuhang si Andy Marc Schenkels, turista, tubong Belgium at nanuluyan sa Unit 2018 Makati Shangrila Hotel, Ayala Center, Brgy. San Lorenzo, Makati City matapos ireklamo ng kinatawan ng nasabing 5-star hotel na si Edmer Landero, security supervisor.

Sa reklamo, alas-5:15 nang hapon nitong Huwebes (Marso 12) nang mamataan ng mga sekyu ng hotel na sina Francisco Ranay at Roy Malijana na paalis na ang suspeck gayung hindi pa ito nagbabayad ng kanyang bill na umabot sa P224,144.04.

Inaresto ang dayuhan at binitbit sa Makati Police kung saan napag-alaman na lumaki ang bill ng suspek dahil nag-check-in ito sa nasabing hotel simula noong Pebrero 11, 2020 hanggang Marso 12 na hindi nagbayad at sa halip ay nagtangka pa itong takasan. (Armida Rico)