Napanaginip ko pong malaki ang tiyan ko. Buntis daw ako. Hindi ko na matandaan ang ibang bahagi ng panaginip ko basta ang hindi ko malimutan ay malaki nga ang tiyan ko. Weird po para sa akin itong panaginip ko dahil single pa po ako at wala pang boyfriend. Ano po ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Ang ganitong panaginip ay itinuturing na positibong panaginip at indikasyon ng bagong pagsisimula at bagong mga hamon sa buhay.
Ang nagkakaroon ng ganitong panaginip ay kadalasang nasa stage ng kanilang buhay kung saan mas nagiging malakas ang kanyang pagkatao. Sa ibang paniniwala ay itinuturing namang suwerte ang ganitong panaginip at ikinokonek sa kasaganaan.
Sinabi mong dalaga ka pa at wala pang boyfriend kaya nagtataka ka sa iyong panaginip pero hindi naman ito dapat ipag-alala dahil wala naman itong koneksyon sa aktuwal na pagbubuntis at lalong hindi indikasyon na nangangarap ka nang mabuntis sa malapit na hinaharap.
Kung sa iyong panaginip ay nasa unang mga buwan ka pa lamang ng pagbubuntis o nasa unang trimester, ito ay ikinokonek sa abundance, kasaganaan sa iyong kinabukasan. Kung may mga project o plano ka sa buhay, doon mo maikokonek ang iyong panaginip. Kung nasa punto ka na ng pag-uumpisa, kung nakaarangkada ka na sa mga plano mo. Ang pagbubuntis ang simbolo na meron kang kumpiyansang magbubunga ng maganda ang mga inuumpisahan mong plano.
Kung sa iyong panaginip ay naramdaman mong kuntento ka o masaya, ganito rin naman ang puwedeng aktuwal mong nararamdaman sa pinapasok mong panimula. Meron kang sapat na self-confidence at magandang indikasyon ito kung meron ka ngang mahalagang isinusulong sa iyong buhay.
Sa pangkalahatan, ang pagbubuntis ay kadalasang nangangahulugan ng good news para sa isang pamilya. Kaakibat na nito ang saya dahil ang isang baby ay itinuturing na magandang biyaya ng buhay. Sa iyong kasalukuyang status sa buhay na isa pa lamang single, ang pagbubuntis sa iyong panaginip ay magandang indikasyon ng anumang ipinupursige mo sa buhay.
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com