Ipinabuwag na ng bagong Commissioner ng Bureau of Customs (BOC) na si Isidro Lapeña ang kontrobersyal na Command Center (ComCen) na nagbibigay ng alerto sa mga kargamento sa ahensiya.
Ang pagbuwag ay iniutos ng bagong pamunuan ng BOC matapos makaladkad ang ComCen sa nakapuslit na P6.4B halaga ng shabu.
Kinwestyon din sa Kamara ang itinatag na ComCen sa ilalim ng pamumuno ni dating Commissioner Nicanor Faeldon kaugnay sa kapangyarihang magdesisyon sa klasipikasyon ng mga kargamentong papasok ng bansa.
September 7, 2016 nang mag-isyu si Faeldon ng Customs Memorandum Order No. 23-2016 kung saan ay tinanggalan nito ng powers na mag-abiso ang mga pinuno ng Intelligence Group (IG), Enforcement Group (EG), deputy commissioner for Assessment and Operations Coordinating Group at lahat ng district collectors ng alerto sa mga kargamentong dumadaan sa BOC.
Aalamin din ng BOC sa pamamagitan ng kanilang legal division kung may legal na basehan ang pagpapanatili sa ComCen. Ang ComCen ay opisyal nang binuwag nitong Agosto 31, ayon sa BOC Legal Division.
Kasunod ng ginawang pagbuwag sa ComCen ay pinaplanong ibalik ni Lapeña ang kapangyarihan ng mga district collectors batay na rin sa probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act.
Sang-ayon tayo sa hakbang na ito ng bagong pamunuan ng BOC lalo na’t may nakitang malaking butas sa ipinaiiral na polisiya ng inilabas na memorandum order.
Pero sana maging consistent na lamang sa mga ipinatutupad na panuntunan. Tutal ay ipinatutupad na ang Customs Modernization and Tariff Act bakit hindi na lamang ito ituluy-tuloy upang hindi nagiging paiba-iba ang polisiya na kadalasan kaya binabago ay para sa interes lamang ng mga nasa posisyon.
Hindi ba puwedeng kung ano ang umiiral na panuntunan ay ito na lamang ang ipatupad para walang pagsasamantala o pag-abusong nangyayari ?
Ang hirap kasi sa ating gobyerno, kung sino ang nakaupo at sa tingin nila ay hindi papabor sa kanila ang isang umiiral na polisiya o panuntunan ay basta-basta binabago sa pamamagitan ng pag-iisyu ng memorandum order o kautusang nagpapawang-bisa sa isang ipinatutupad na regulasyon o reglamento.
Harinawa ay maging ehemplo ang pangyayaring ito sa BOC upang maging maingat na ang iba’t ibang tanggapan at ahensya ng gobyerno sa paglalabas ng kautusan o polisiya para lamang pagbigyan ang kanilang kapritso at ng kanilang mga alipores.