Nag-public apology si Pangulong Rodrigo Duterte kina Pangasinan Rep. Amado Espino, Raffy Baraan, kapatid ni dating Justice Undersecretary Francisco Baraan III at Board Member Raul Sison na unang kinakaladkad ng Pangulo sa narco-list.
Ang paglinis kina Espino at sa dalawa pa sa koneksyon sa iligal na droga ay ginawa ng Pangulo dahil wala, aniya, itong makitang koneksyon para madiin sa illegal drugs operations kung pagbabasehan ang report ng PNP, DILG at PDEA.
Naniniwala rin si Duterte na maaaring tsismis, paninira o sinadyang ilagay lamang ang pangalan ni Espino at dalawa pa sa drug list subalit walang maibigay na katibayan.
Sa kabila ng kapalpakan ay wala raw sinisisi si Pangulong Duterte sa kanyang mga opisyal o source ng narco-list at inaako ang responsibilidad at handa nitong harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya.
Kahanga-hanga ang Pangulo sa pag-amin sa kanyang pagkakamali na siyang dapat namang taglayin ng isang maginoong lider.
Pero sa kabila ng pag-amin, paghingi ng apology at pag-ako ng responsibilidad sa pagkakamali ay hindi maitatangging nagdulot ito ng pagdududa sa nilalaman ng hawak na drug matrix ng Pangulo.
Kaya ang sa amin, mahalagang i-validate nang mabuti ng pamahalaan ang sinasabing drug matrix upang hindi na maulit ang pagkakamali dahil malaking kasiraan din ang idinulot nito sa mga kinakaladkad na mga opisyal ng pamahalaan, gayundin sa kanilang pamilya.
Dahil sa pagkakamaling ito ay hindi malayong pagdudahan na ang mga susunod pang nilalaman ng drug matrix na maaaring magdulot din ng pagkuwestyon sa kredibilidad ng mga ihahayag na impormasyon ni Pangulong Duterte.
Kaya sana gawin ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang tungkulin na busisiing mabuti ang lahat ng mga isinasapublikong impormasyon upang hindi masira ang kredibilidad ng ating Pangulo.