Nagkalat na putahan ng mga Chinese POGO pinakalkal ng Palasyo

Kinalampag ng Malacañang ang Philippine National Police para imbestigahan ang umano’y nagaganap na prostitusyon sa bansa na kinasasangkutan ng mga Chinese.

Kasunod na rin ito ng sunod-sunod na raid ng mga awtoridad sa Makati City at ilan pang lugar sa Metro Manila kung saan mga Chinese ang nahuhuling kababaihan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na dapat magawan ng paraan ang pagkalat ng prostitusyon sa bansa para matigil ito at maaresto ang mga nasa likod ng operasyon.

“We will have that investigated. If that’s true then we will have something to do about it, by stopping prostitution and arresting those who are involved,” ani Panelo.

Dumami umano ang sangkot sa prostitus­yon dahil sa pagdagsa ng Philippine Offshore Ga­ming Operator (POGO) sa bansa.

Bukod sa prostitusyon ay dumami rin ang insidente ng kidnap for ransom sa mga Chinese sa Metro Manila na ang nasa likod umano ay mga kapwa Chinese rin.

Matatandaang nagbanta si Pangulong Rod­rigo Duterte na papatayin ang mga dayuhang sangkot sa kidnapping at iba pang krimen sa bansa.
NBI naalarma

Kinumpirma kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na dumami ang mga prostitution den sa bansa kasunod ng paglago ng POGO industry sa bansa.

“As far as NBI is concern, normally, ang ini-entertain kasi, you can book through internet. Hindi ka pupunta nang rekta (sa prostitution den), dapat online,” pahayag ni NBI Deputy Director for Special Investigation Services Vicente de Guzman sa pagdinig kahapon ng Senado tungkol sa mga Chinese prostitution den at POGO-related sexual trafficking victim.

POGO sususpindihin
Samantala, sinabi ni Senador Risa Hontiveros, chair ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinag-aaralan na umano ang pagsuspinde sa lahat ng POGO operation sa bansa habang nire­rebyu ang economic implication nito bukod sa dapat magkaroon ng ‘safety nets’ para maproteksiyunan ang kababaihan at kabataan.

Mga travel agency sangkot?
Sisiyasatin din ng Senado ang posibleng pagkakasangkot ng ilang accredited travel agency sa diumano’y trafficking ng mga kababaihan na ginagamit para sa mga Chinese player ng POGO industry.

Ayon kay Hontiveros, ipapatawag niya sa susunod na pagdinig ang may-ari ng mga tra­vel agency. (Aileen Taliping/Dindo Mati­ning/Prince Golez)