Nagkalat ng fake news kay mayor timbog

Arestado ang isang 25-anyos lalaking kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) at barkada nito makaraang magpakalat umano ng fake news sa Facebook hinggil sa kalagayan ng alkalde ng Talavera, Nueva Ecija noong Sabado.

Kinilala ni Lt. Col. Alexie Desamito ang mga inaresto na sina SK Kagawad Michael Pascual Ramos at Billy Suyat Arimbuyutan, 26, kapwa residente ng Brgy. Andal Aliño, Talavera.

Nireklamo ang dalawa ng nabiyudang si Mayor Nerivi Santos Martinez ng Talavera na nailibing lang ang mister na si Marvin Galman Martinez noong Sabado dahil sa pancreatic cancer.

Inilagay umano sa FB account ni Arimbuyutan ang post na “attention please my ncov ang asawa ni neriv covid 19 ang ikinamatay ng asawa niya wag po lumapit kay neriv santos dilikado pa yan dapat i quarantine po yan pakalat pa po sa kalsada. pakishare po para malaman ng mga taga Talavera”.

Dahil umano sa nakakaalarmang post na nagdulot ng kapighatian sa alkalde ay ipinag-utos ang pagaresto sa may kagagawan nito.

Kasong paglabag sa Article 154 (unlawful use of means of publication and unlawful utterances) ng Revised Penal Code at Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang inihain laban sa dalawang suspek. (Jojo De Guzman)