Tuluyang pipigilan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang raket ng mga propesyonal nitong manlalaro sa ligang labas sa pagtatakda ng pataw na P50,000 multa kung walang permiso sa kanilang mother at sa liga.
Ipinahayag kahapon ni PBA Commissioner Willie Marcial na ang bagong memo na kapalabas lang ay ugat sa pagkasangkot nina star Vic Manuel ng Alaska Milk at Jiovani Jalalon ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok.
Naglaro ang dalawa sa ligang labas sa nakalipas na linggo lang.
“Sinabihan ko sila. Sa susunod, kapag inulit ninyo iyan, baka P75,000 or P100,000 na ang multa kasi sinabihan ko na,” ani Marcial, matapos na ipatawag sina Manuel at Jalalon
Sinabi ni Marcial na desidido ang liga na tuluyang puputulin ang sideline ng mga player para na rin sa kabutihan ng mga ito at kanilang koponan.
Labag sa uniform player’s contract (UPC) ng team ang matagal nang kalakarang ito sa maraming matigas na ulong manlalaro ng liga.
Gayunman, sinabi ni Marcial na maaari rin naman makalaro ang mga player sa ligang labas kung para sa isang charity at kailangan ay alam ng PBA at may permiso mula sa mga mother team.
“Sa lahat ng mga players, kailangan magpaalam sa PBA at sa teams. Hindi puwedeng PBA lang, hindi puwedeng team lang,” aniya.
Hindi muna binigyan ng multa ni Marcial sina Manuel at Jalalon dahil sa una na itong pinarusahan ng kanilang mga koponan. Pero suspendido sila ng tig-isang linggo na walang bayad. (Lito Oredo)