Nang dahil lamang sa isang stick ng sigarilyo, pinagpapalo hanggang sa napatay ang isang lalaki ng tatlong kalalakihan sa Gen. Trias City, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Ariel alyas Avatar, nasa hustong edad, taga-Brgy. Santiago, Gen. Trias City, Cavite.
Arestado naman ang dalawa sa tatlong suspek na sina Jay Bayani, 27-anyos, isang construction worker at Wilson Gragas, 33, isa ring construction worker at pansamantalang nakatira sa barracks sa Natania Homes, Pasong Kawayan-2, Gen. Trias City, Cavite habang nakatakas ang kasama nila na si Nelson Dia, ng Brgy. Butong, Cabuyao, Laguna na iningusong siyang pumalo sa biktima.
Sa ulat ni PCorporal Allan John Edoria, ng Gen. Trias City, Cavite, alas-11:30 kamakalawa nang gabi nang maganap ang insidente sa Natania Homes, Brgy. Pasong Kawayan 2 ng naturang Lungsod kung saan pawang naglalakad ang biktima at mga suspek nang humirit umano ng isang stick ng sigarilyo ang huli pero hindi nagbigay ang mga suspek.
Pero muling nagkatagpo ang landas ng apat sa naturang lugar kung saan nag-iinuman ang mga suspek.
“Nang nakita ng biktima ang tatlo ay muling humirit ng isang stick ng sigarilyo pero hindi siya ulit binigyan,” ayon kay Edoria.
Dito na nagalit ang biktima at habang paalis ay nagmura umano ito na ikinagalit ng mga suspek kaya hinabol siya at pinagpapalo.(Gene Adsuara)