Pinaniniwalaang napatay sa bugbog ng limang mangangalakal ang isang babae na kasama nila sa pangangalakal dahil sa pagmura sa ina ng isa sa mga suspek noong Linggo ng hapon sa Pandacan, Maynila.
Nabatid na idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Eden Blanco, 52, tubong Iloilo City at walang permanenteng tirahan, kamakalawa ng umaga matapos isugod ng kanyang kinakasamang si Efren Candelario, 42.
Arestado naman ang dalawa sa mga suspek na kapwa basurero rin na sina Kenneth Ang, 48, tubong Davao City, at asawa nitong si Rosemarie Zulueta, 48, ng 2394 Tenorio Street, San Andres Bukid, habang pinaghahanap pa ang tatlo na kasamahan ng mga ito na ‘di pa nakikilala ng mga awtoridad.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District–homicide section (MPD-hs), dakong alas-kwatro ng hapon noong Linggo nang maganap ang pambubugbog sa biktima sa Quirino Ave. malapit sa kanto ng Pedro Gil Street sa Pandacan.
Sinabi sa pulisya ni Candelario, nag-iinuman umano sila ng biktima habang nagluluto ng kanilang pagkain nang bigla na lang silang lapitan ng limang suspek, sa pangunguna nina Ang at Zulueta.
Nagulat na lang umano si Candelario nang bigla siyang suntukin sa mukha ni Ang kaya’t natumba siya, kasunod nito ay binalingan naman umano ni Ang ang biktima at pinagsusuntok sa mukha hanggang sa mawalan ito ng balanse.
Dito na umano pinagtulungang gulpihin ng lima ang biktima at iniwanan lamang nang makitang hindi na ito makagulapay pa.
Habang hindi naman gaanong nasaktan si Candelario nang magawa niyang makatakbo upang takasan ang mga suspek.
Makalipas ang ilang oras, bumalik sa lugar si Candelario at nakita ang biktima na nanginginig na ang katawan nito.
Tinangka umano niyang humingi ng tulong upang madala sa pagamutan si Blanco pero kinabukasan na niya ito naisugod sa pagamutan at pagdating doon ay idineklara na itong dead on arrival ng mga doctor.
Itinanggi naman ng naarestong suspek na napatay nila sa bugbog ang biktima.
Aminado naman ang mga ito na sumugod sila sa biktima at kaya lamang umano nila ito sinugod dahil minura ang ina ni Ang.
Sasampahan naman ng kasong murder ang mga suspek.