Nagpakilalang DLSU employee dinakma sa pangingikil

Nagpakilalang DLSU employee dinakma sa pangingikil

Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na nagpakilalang empleyado ng De La Salle University (DLSU) matapos itong ireklamo ng estudyante na kanyang ginoyo para makapasa sa kanyang mga asignatura kapalit ang malaking halaga noong Biyernes ng hapon sa Quirino Avenue, Manila.

Binitbit ng mga tauhan ng NBI-Anti Organize and Transnational Crimes Division ang suspek na si Charity Angeles, umano’y empleyado ng DLSU sa Taft Avenue, Maynila at may kakayahan umano na magawang “passed” ang mga grades na “failed.”

Nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek matapos magreklamo sa NBI si Nelson Alcid at ang kanyang anak na si Kenneth Bryle Alcid, dating estudyante ng DLSU na na-dismiss dahil sa mga bagsak na grado.

Nabatid na dahil kay Angeles, nabaligtad umano ang kanyang mga bagsak na grado para pumasa kung saan umabot na sa P365,000 ang nagastos ng kanyang magulang mula noong Setyembre 2016 hanggang nitong Disyembre 2017 sa tuition fee, paglilibre sa mga professor, pagkamatay ng asawa ni Angeles, Christmas gift sa kanyang mga professor, community service, gamot ni Angeles at sa kasabwat nitong si Sir Onin.

Nagbayad pa umano si Kenneth ng P20,000 para sa isang project at assignment requirements at nagbigay pa ang biktima ng P15,000 kay Angeles para umano sa school pero hindi naman ito naibigay kay Kenneth.

Pinaniwala umano ni Angeles ang biktima na ga-graduate ito noong Oktubre, 2018 pero hindi ito nangyari dahil sa pagkabigo ni Kenneth na maisumite ang kanyang OJT requirements. Ito’y sa kabila pa ng mga ibinayad niyang P15,500 para sa diploma, transcript of records, batch jacket, pictorial, electronic tickets ng graduation at reservation slot para sa Graduation for Masters in Business Administration na ipinangako ni Angeles na makaka-graduate siya sa Pebrero 16, 2019.

Hindi umano ito nangyari dahil hindi umano sumama ang biktima sa rehearsal pero muling pinangakuan ni Angeles ang biktima na makakasama na ito sa graduation sa Pebrero 26 kaya lamang ay kinakailangan niyang magbayad ng P62,000 dahilan para magreklamo na ang biktima sa NBI.

Ikinasa naman ng NBI ang entrapment operation at dito na naaresto si Angeles matapos tanggapin ang marked money.