Kalaboso ang umano’y pinsan ni four-weight world boxing champion Donnie Nietes matapos mahuli sa isinagawang anti-illegal drug operation ng puwersa ng Bangar Police Station at Presidential Enforcement Group-La Union (PDEA-LU) sa Bangar, La Union noong Martes.
Kinilala ng BPS ang suspek na si Orlando Arsenio Nietes, 41, driver, may asawa, ng No. 29 Mangga Road., North Signal Village, Taguig City.
Ayon sa BPS, ang suspek umano ay nagpakilalang pinsang buo ng boksingerong si Donnie Nietes.
Bago ang pagkahuli ni Orlando sa Barangay Central West No. 2, Bangar sa nasabing lalawigan, nakatanggap umano ng intelligence report na ang suspek ay nagtutulak ng shabu sa nasabing barangay.
Agad na nakipag-ugnayan ang PDEA-LU sa BPS at sa ikinasang buy-bust operation ay nahuli si Orlando habang inaayos pa ang shabu sa loob ng kanyang tahanan.
Nakumpiska dito ang 44 gramo ng shabu na nagkakahalagang P44,000, mga pera na sari-saring denomination, cellphone at apat na bala ng .45 pistol. (Allan Bergonia)