Dinakma ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 65-anyos na babaeng nagpapanggap na abogadang kapatid ng namayapang si Senador Miriam Defensor Santiago matapos ireklamo ng kanyang biniktimang babae.
Nahaharap sa kasong estafa at usurpation of authority ang suspek na si Myrna Rosales Velez na nagpanggap na si Atty. Paula Dimpna Beatriz Palma Defensor makaraang ireklamo ng kanyang biniktimang si Norma Tumambing Mendoza, 44, taga-Phase 1 Block 1 ,Lot 42 San Isidro Homes, Montalban Rizal.
Nabatid sa NBI-Anti Organized and Transnational Crime Division, na nakunan umano ng halagang P580,000 ang biktima bilang acceptance fee at para sa iba pa niyang serbisyo.
Nakilala ng biktima ang suspek sa Department of Justice (DOJ) noong Hulyo, 2016 nang mag-follow-up ng kaso at nagpakilala ito sa kanya na kapatid ng namayapang Senadora at consultant ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre at nag-alok ng kanyang serbisyo.
Nahikayat naman ng suspek ang biktima at tumayong abogado niya sa nakabinbin niyang kaso sa San Mateo, RTC at Quezon City RTC.
Gayunman, nalaman ng biktima kay DOJ Usec. Raymund Mecate na walang consultant sa DOJ at nalaman din ng biktima na naninirahan sa abroad ang binabanggit na kapatid ng dating Senadora.
Sanhi nito, humingi ng tulong sa NBI ang biktima at sa imbestigasyon nalaman ang tunay na pangalan ng biktima kung saan nalaman na may mga warrant of arrest ito sa mga kasong illegal recruitment, swindling at estafa at gumagamit ng iba’t ibang pangalan.