Matamang inaabangan ngayon kung sasali sa ikatlo at huling leg ng US Triple Crown ang kam­peon ng Preakness Stakes na si Cloud Computing.

Hindi pa daw nila alam, sabi ng kanyang ­trainer na si Chad Brown pagkatapos ng upset win nila sa Maryland. Titignan pa daw nilang mabuti, pati kung sinu-sino ang tatakbo.

Hindi daw niya kasi nakikinitang kakayanin ng kanyang kabayo ang mahabang distansiya sa ­Belmont Stakes sa New York.

Si Cloud ­Computing ay palahi ng Hill ‘n Dale Equine Holdings at Stretch Run Ventures sa baguhang stallion na si Maclean’s Music mula sa A.P. Indy mare na Quick Temper.

Ito’y nabili ng ahenteng si Mike Ryan sa halagang $200,000 sa Keeneland September Yearling sale ­dalawang taon na ang nakaraan.

***

Ano itong kumakalat na balitang naghain na sa Kongreso ng panukala na dagdagan ang mga bagay na puwedeng sakupin ng isang sangay ng pamahalaan na namamahala sa isang industriyang patuloy sa pagbagsak?

Marami ang nagtatanong sa atin sa balitang ito dahil kung totoo daw ito ay malaki ang epekto sa industriya.

Isang major player dito ang naglabas ng kanyang saloobin: “Bakit bibigyan pa ng dagdag na trabaho ang opisinang ito ganu’ng ito lang industriyang ito ay hindi na mapalago?

Ano pa ba ang sapat na batayan para bigyan pa sila ng karagdagang trabaho. Ayusin muna ng pamahalaan ang industriyang ito na kanilang pinamamahalaan at paunlarin.

Patuloy sa pagbagsak ito at kami ang labis na naapektuhan. Kanino pa kami pupunta para humingi ng tulong?”

***

Nasampolan kamakailan ng magkasanib na pu­wersa ng maykapangyarihan at ng GAB ang isang malaking operator ng illegal bookies sa Kamaynilaan.

Pero alam naman natin kung ano lang ang parusang puwedeng ipatong sa kanila dahil sa illegal gambling. Sabi ng isang horse owner na nakausap natin, tiyak na nag-operate na naman sila nitong nakaraang weekend dahil sa lakas ng tayaan.

Mahirap maging ningas-cogon sa paghabol sa mga operators ng illegal bookies dahil sa ‘intelihensya’ na dumarating sa bulsa ng mga corrupt na mga opisyal sa mga local at national government.

Kanino napupunta ang mga ‘intelihensya’ na ipi­namudmuod ng mga malalaking illegal bookie ope­rators kaya ‘tuloy lang ang ligaya’ kada karera.

Dagdag pa nu’ng kausap natin: “Kaya lang naman tayo nakakarinig ng ganyang balita na may hinuli ay kung may nagpapakilalang opisyal sa nasasakupan nila!”