Nagpaparamdam na ang bayan

Bernard Taguinod For the Record

Buhay na buhay ang demokrasya sa ating bansa dahil umiiral pa rin ang freedom of expression na pinalakas pa ng social media lalo na ng mga matitinong netizens at ramdam pa rin ang boses ng sambayanang Filipino.

Napansin ko ito sa isyu ng P1,000 budget ng Commission on Human Rights (CHR) na inaprubahan ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso na hindi matanggap ng netizens.

Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ng Kamara sa ginawa nilang desisyon sa CHR at nakarating hanggang Palasyo ng Malacañang ang lakas ng kanilang boses at aminin man o hindi ng Duterte administration eh ramdam nila kung papaano magalit ang mamamayan.

Kahit yung galit ng mamamayan sa extrajudicial killings ay sumabog at siguradong ramdam na ito ng gobyerno dahil kung hindi, hindi mananakot ang gobyerno na magdedeklara sila ng Martial Law kapag nagkaroon ng gulo.

Maging yung plano daw ng Palasyo na ga­wing holiday ang Setyembre 21, araw kung kailan idineklara ni dating Pa­ngulong Ferdinand Marcos ang Martial Law noong 1972, ay indikasyon ‘yan na ayaw nilang makakita ng malaking pagkilos dahil sa extrajudicial killings.

Hindi naman siguro magkakaroon ng gulo dahil kahit noong EDSA 1 na nagpatalsik kay Marcos at EDSA 2 na nagpatalsik din kay dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada sa Palasyo ng Malacañang noong 2001 ay hindi naman nagkagulo.

Magkakagulo lamang kung sadyang guguluhin ang kilos protesta na sangkot ng demokrasya pero kung paiiralin ang maximum tolerance eh walang gulong mangyayari sa mga kilos protesta.

Balik tayo sa usapin ng CHR, history na si 1-Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na dating kinatawan ng Alagad party-list dahil siya ang nag-mosyon sa plenaryo ng Kamara na bigyan ng P1,000 budget ang CHR.

Wala sa lugar ang P1,000 dahil para mo na ring ayaw pasuwelduhin ang mga empleyado ng CHR. Bakit mo idadamay ang mga inosenteng empleyado kung galit kayo sa namumuno sa komisyon?

Saan sila kukuha ng pamasahe pagpasok? Kapag may mangyayari at kailangan n’yo ng CHR eh talagang hindi sila makaka-responde dahil walang pamasahe, walang pangkain ng kanilang pamilya.

Kung talagang galit lang kayo kay Chairman Chito Gascon, eh nagpasok na lang sana kayo ng amendment sa CHR budget na huwag pasuwelduhin si Gascon imbes na buong komisyon ang magdudusa dahil ayaw n’yo lang sa namumuno sa CHR.

Eto ang mga listahan ng 32 Congressmen na bumoto laban sa P1,000 CHR budget: Gary Alejano (Magdalo partylist), Lito Atienza (Buhay partylist), Kaka Bag-ao (Dinagat Island), Jorge Banal (Quezon City), Kit Belmonte (Quezon City), Emmanuel Billones (Capiz), Gabriel Bordado (Camarines Sur), Arlene Brosas (Gabriela partylist), Wilfredo Caminero (Cebu), Ariel Casilao (Anakpawis partylist), France Castro (Act teacher party­list), Raul Daza (Northern Samar), Emmi De Jesus (Gabriela), Raul Del Mar (Cebu), Sarah Jane Elago (Kabataan partylist), Ben Evardone (Eastern Samar), Edgar Erice (Caloocan) Bayani Fernando (Marikina), Lawrence Fortun (Agusan del Norte), Mark Go (Baguio City), Edcel Lagman (Albay), Jocelyn Limkaichong (Negros Oriental), Evelyn Mellana (Agusan del Sur), Rosenda Ann Ocampo (Manila), Aileen Radaza (Lapu-lapu City), Ramon Rocamora (Siquijor), Bai Sandra Sema (Maguindanao/Cotabato City), Antonio Tinio(Act Teachers), Tom Villarin (Akbayan partylist), Rosanna Vergara (Nueva Ecija), Carlos Zarate (Bayan Muna partylist), Manuel Zubiri (Bukidnon). (dpa_btaguinod@yahoo.com)