Dinakip ng mga nagalit na residente ang isang pulis-Makati matapos na magpaputok ng baril habang nagkakasiyahan sa kasagsagan ng pagdiriwang ng pista sa Sampaloc, Manila nitong Linggo ng hapon.

Nabatid na kinuyog ng mga residente si PO1 Louiejo Badajos, nakatalaga sa Makati City Police, saka binitbit sa ­Manila Police District-Police Station 4.

Pasado alas-singko ng hapon nang maganap ang insidente sa Barangay 411.

Nakikipag-inuman umano ang pulis sa kanyang mga kaibigan dahil sa piyesta nang bigla na lang itong magpaputok ng baril sa ere.

Sa takot at galit ng mga residente ay ipinapulis ang alagad ng batas.

Depensa ni Badajos, nagkatuwaan lang sila ng mga kainuman kaya nagawa niyang magpaputok.