NAGPATAY-PATAYAN PARA MABUHAY

Kailangang magpatay-patayan at magpahid ng dugo sa katawan at mukha ang isang empleyado, upang mabuhay sa madugong raid sa Ozamiz City, Misamis Occidental.

Sa nalathalang ulat ng ABS-CBN News kahapon, itinago ang nakaligtas sa alyas na Cesar, na nabatid na empleyado ng nasawing board member na si Octavio Parojinog.

Sa salaysay nito, Hulyo 30, 2017, dakong alas-dos ng madaling-araw nang magkakasunod na putok ng baril ang narinig umano nila mula sa bahay ni Ozamiz Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog Sr. Siya umano at ang among si Octavio ay dinala ng mga dumating na pulis sa katabing bahay ng alkalde.

Pinagsama-sama umano sa isang sulok ng bahay ang mayor, misis na si Susan, kapatid na si Mona, si Octavio at siya.

Sa salaysay pa ni Cesar ay nakadapa siya sa harap ng alkalde nang ilang sandali ay lumabas ng bahay ang mga pulis at may naghagis umano ng granada sa kanila. Dito siya nasugatan.

Ilang sandali ay bumalik umano ang mga pulis at sa pagkakataong iyon ay binaril umano ang mayor, pero humarang si Octavio na dalawang ulit umanong binaril, subalit ang ikatlong putok ng baril ay sumapol umano kay Aldong.

Dahil sa pagkaligtas at sa mga nasaksihan ni Cesar, ikinokonsidera ng isang kaanak ni Parojinog na nakaligtas din sa raid ang posibilidad na maging testigo ito ng pamilya.

Samantala, humingi na ng saklolo sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang ilan sa mga kamag-anak ni Mayor Parojinog, ayon naman sa nalathalang ulat ng Bombo Radyo.

Tumawag na umano ang isa sa miyembro ng Parojinog family para magpasaklolo dahil sa nangyaring pagpatay sa mga miyembro ng kanilang pamilya.

Ngunit ayon mismo kay VACC Chairman Dante Jimenez, hihintayin muna ng VACC ang pormal na sulat ng pamilya Parojinog upang masuri kung may nilabag ba ang Philippine National Police (PNP) sa pangyayari.

Mahalaga rin kasi umanong malaman ang panig ng pamilya ng mga napatay at sugatan sa raid.