Nagpilit tumawid sa riles, van sinalpok ng tren

Patay ang dalawa katao habang sugatan ang 16 iba pang pasahero ng isang commuter van matapos itong masalpok ng tren habang tumatawid ng riles kahapon ng umaga sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur.

Dead-on-arrival sa pinagsugurang Libmanan District Hospital sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan sina Glenad Ravago, guro, at Jaime Victor Olarte, 12, estudyante.

Naka-confine naman ngayon sa nabatid ding ospital ang iba pang pasahero ng van na sina Estrelita Macalintal; Eliza Ballesteros, 42; Ofelia Olarte, 54; Elma Laniog, 35; Abigail Torres, 17; Ma. Victoria Renejen, 53; Sarah Tolentino, 30; Sabina Jyra Tolentino, 8; Marilyn Lonseras, 34; Enezel Ramos, 38; Jaysel Amacio, 21; Kristel Faye Peyra, 27, Elvira Asis, 52, gayundin ang drayber na si Danilo Diokno, 60-anyos at dalawa pa.

Arestado naman ang drayber ng tren na si Ian Berina, 32, gayundin ang karelyebo nitong si Domingo Pedroso.

Ayon kay Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, naganap ang insidente alas-11:35 ng umaga sa PNR Crossing sa Barangay Road ng Brgy. Camambugan sa bayan ng Libmanan.

Nabatid na patungo sana ng Naga City ang van galing ng Sipocot subalit pagsapit ng crossing ay pinilit pa nitong tumawid kahit parating na ang tren dahilan upang masalpok sila ng dambuhalang sasakyan.

Sa lakas ng salpok ay tumiĀ­lapon ng halos 11 metro ang van at para itong piniping lata dahilan ng tinamong grabeng pinsala ng mga pasahero.

Mabilis naman ang pagdating ng tulong at isinugod sa nabanggit na ospital ang mga biktima pero idineklarang dead-on-arrival sina Ravago at Olarte. (Edwin Balasa)