Natuluyang idetine sa male custodial facility ng pulisya sa Talavera, Nueva Ecija ang magkapatid na lalaking nakainom ng alak matapos magpumilit na makadalaw sa piitan noong Biyernes ng hapon kahit na walang mga suot na face masks.
Sa ulat ni Police Lt. Colonel Alexie Desamito, nakilala ang inarestong sina Pedro Punay del Moral, 42 at utol na si Melvin, 39, kapwa may-asawa at mga cake vendor mula sa Brgy. Maestrang Kikay, Talavera.
Nabatid na dakong alas-3:50 ng hapon nang dumating sa himpilan ng pulisya ang dalawa na walang suot na face masks at umano’y may bibisitahin sa loob.
Gayunman nang pagsabihan na bawal ang walang face mask dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine, ay nagalit pa umano ang dalawa at nakipagtalo sa duty desk officer.
Dahil dito ay inaresto ang mag-utol at kinasuhan ng resistance and disobedience, at paglabag sa Rep Acts 11332 at 11469, kapwa batas ukol sa pandemic COVID 19.
Dahil sa pangyayari ay hindi lang nila madadalaw ang bibisitahin kundi nakasama pa nila ito ngayon sa piitan. (Jojo de Guzman)