Nagsalpukang 2 motor nagliyab, rider parehong patay

Tila nagsabong sa ere ang dalawang nag­liyab na motorcycle rider nang magsalpukan sa aksidenteng nangyari noong Lunes ng madaling-araw sa Brgy. Sta. Cruz, Zaragoza, Nueva Ecija.

Sa ulat ni Police Major Jaime Ferrer, kapwa nasawi ang mga biktimang sina Christopher Alcuber Dizon, 27-anyos, taga-Sitio Putot, Brgy. Concepcion, at Kimpee Tarnate Miguel, 17, ng Brgy. Macarse, kapwa sa bayan ng Zaragoza.

Alas-12:40 ng madaling-araw patu­ngong kanluran ang motorsiklo ni Dizon nang maka-head on collision nito ang motorsiklo ni Miguel.

Sa lakas ng salpukan ay sumabog pa umano ang mga motorsiklo na naging sanhi ng pagkasunog at pagkamatay noon din ng mga biktima.

Hindi makumpirma kung may ­lasing sa mga biktima pero ito ang hinala ng mga pulis. (Jojo de ­Guzman)