Malagim ang naging kamatayan ng isang ginang nang tadtarin ito ng saksak ng nagselos niyang mister sa Brgy. Tula-Tula, Ligao City.
‘Di na umabot pa ng buhay na isinugod sa JBDAPH, Brgy. Tuburan, Ligao City ang biktimang si Marites Patiga, sanhi ng tinamong malalalim na sugat sa katawan habang ang mister naman nitong si Sugundo Patiga, 42-anyos, kapwa nananirahan sa nasabing barangay ay inilipat at nakaratay ngayon sa BRTTH, Legazpi City makaraang magsaksak sa sarili gamit ang itak na ipinantaga din sa kabiyak.
Sa report, batay na rin sa nakalap na ulat kay Brgy. Tula-tula, Brgy. Captain Leonora Bonde, bago ang pamamaslang ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa matapos na umano’y magselos ang lalaki. Nang hindi umano magustuhan ng lalaki ang sagot ng maybahay ay kinuha nito ang itak na nakasukbit sa bewang at pinagtataga ang babae.
Nabatid din sa anak na si Hannelin, 15, habang nagpapahinga siya sa kanilang kubo ay narinig niya ang kanyang ina na humihingi ng saklolo. Nang puntahan ay nakita niya itong duguan na at sumisirit ang dugo sa ibat ibang bahagi ng katawan kaya agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang kapitana.
Agad ding rumesponde ang mga tauhan ng Ligao Community Precinct Station subalit ‘di na rin naisalba ang ginang. (Arnel Petil)