Nagtagumpay kay LeBron, L.A. gapang sa ‘da moves’

Ngayong naikahon na si LeBron James sa susunod na apat na taon sa likod ng $154 million, dahan-dahang umusad ang soap opera o telenovela ng Los Angeles Lakers.

Kailangan may dagdag na cast ang The King.

Una, tumango ang Lakers para bigyan ng panibagong one-year deal na nagkakahalaga ng $12 million si Kentavious Caldwell-Pope. Sina LeBron at KCP ay parehong hawak ng Klutch Sports, ang nagkumpirma sa balita ng Decision 3.0 ni James.

Noong isang taon ay binigyan din ng Lakers ng one-year deal si KCP.

Sumunod ay ina­prubahan din ng La­kers ang terms para kay Lance Stephenson. Si Stephenson ang dating player ng Indiana Pa­cers na pinanggigilan ni James. Sa isang playoff match, hinipan ni Stephenson ang tainga ni James. Pikon na pikon si LeBron.

Magkakampi na sila sa susunod na season, pumayag si Stephenson sa one-year, $4.5 million.

Pangatlong da-moves, ninakaw ng Lakers si JaVale McGee mula Warriors at bibigyan ng one-year deal ng veteran’s minimum. Hindi rin magkasundo sa court sina LeBron at JaVale noong magkalaban pa.