Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng 18 na beses ng kanyang kainuman habang nagtatalo tungkol sa pera sa Barangay Puelay, Villasis, Pangasinan noong Miyerkoles nang gabi.

Kinilala ni Villasis Police Station (VPS) chief-of-police P/Maj. Fernando L. Fernandez Jr., ang biktima na si Joriel Cuadro, 32, ng Brgy. Puelay sa nasabing bayan. Ang suspek naman na nakakulong na ngayon ay nakilalang si Reynald Baton, ng Villasis, Pangasinan.

Sa report ng VPS, naimbitahan lamang si Baton sa isang inuman malapit sa bahay ng biktima sa nasabing barangay.

Habang nag-iinuman kasama ang ilang kaibigan, biglang nagtalo ang biktima at suspek tungkol sa pera hanggang sa humantong sa mainitang pagtatalo.

Dito, biglang bumunot ng patalim si Cuadro ngunit inunahan na siya ng saksak ni Baton.

Nagtamo ng 18 saksak sa dibdib at tagiliran ang biktima sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Samantala, sinabi ni Baton na self-defense lang ang nangyari dahil naunang humawak ng patalim ang biktima, na hindi naman sinang-ayunan ng pamilya ni Cuadro. (Allan Bergonia)