Isang lalaki na nagtangka umanong gahasain ang kaibigang babae ang natagpuang patay at may tama ng mga saksak sa katawan sa isang sementeryo sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Malabon City Police partikular na nina PO3 Julius Mabasa, PO2 Ramos Timago at PO1 Joenel Claro, ganap na alas-sais pasado ng umaga nang makatanggap sila ng report sa isang concerned citizen hinggil sa nakitang patay na lalaki sa loob ng Tugatog Cemetery sa Dr. Lascano Street corner Bronze Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod, na kalaunan ay nakilalang si Rogelio Flores Jr. alyas ‘Turing’, 37, residente ng Barangay Tanong.
Agad na nagtungo ang mga tauhan ng Scene Of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar kung saan ay nadiskubreng tadtad ng saksak ang biktima.

Sa pagsasagawa ng imbestigayon ay napag-alaman na bago matagpuan ang bangkay ng biktima, ganap na alas-8:30 pasado ng gabi ay nakita itong kasama ang kaibigang si Stephanie Basilio at nag­lalakad.

Pagsapit ng ganap na alas-9:12 ng gabi ay nagtungo umano sa barangay hall ng nasabing lugar si Basilio at inireklamo si Flores ng tangkang panggagahasa sa kanya.

Ngunit hindi nito nabanggit na sinasaksak na pala ng kanyang kinakasamang si Melvin Villanueva si Flores.