Nagtulak para may dagdag kita: 18-anyos laglag sa P.7M shabu

Kulang sa kinikita, luminya sa pagbebenta ng hinihinalang shabu ang isang 18-anyos na service crew ngunit minalas na mahulihan ng tinatayang P.7 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Imus City, Cavite.

Kasong paglabag sa Sec 5 at Sec 11 ng Art. 2 ng RA 9165 ang isinampa laban sa suspek na si Kobe, taga-Imus City, Cavite.

Sa ulat ni Corporal Wilfredo Villanueva ng Imus City Police Station, alas-2:50 kahapon nang madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Imus CPS at PDEA Cavite sa Brgy. Malagasang 1-B, Imus City, Cavite kung saan target ang suspek.

Kagagaling lang sa trabaho ng suspek at agad na kinontak ang katransaksiyon upang idispatsa ang tinatayang 103.06 na gramo ng shabu na may street value na P700,400 para sana sa kanyang dagdag-kita.

Pero hindi nito sukat akalain na imbes na kumita ay dusa sa rehas na bakal ang kahahantungan dahil pulis pala ang kanyang katransaksiyon. (Gene Adsuara)