Nagwala sa inuman tinadtad ng saksak

knife-blood

Isang 29-anyos na la­laki ang napatay matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang kainuman makaraang magwala sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Block 6, Tanigue Street, Barangay 14, Dagat-dagatan ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umanong nakikipaginuman ang biktimang si Arlie Simeon, 29, helper at residente rin ng nasabing lugar kasama ang ilang mga kapitbahay kabilang ang suspek na si Rhoderick Africa, tricycle driver ng nasabi ring lugar.

Nang malasing na umano nang todo ang biktima ay nag-umpisa na umano itong mangulit kaya nagpasya na lamang silang pauwiin na lamang na ikinagalit nito dahilan upang itaob nito ang lamesa ng pool na napag-alamang pagmamay-ari ni Africa.

Doon umano nagalit si Africa sabay kuha ng patalim at pinagsasaksak sa sikmura ang biktima at saka mabilis na tumakas.

Agad namang naisugod sa Caloocan City Medica Center ang biktima ngunit hindi na naisalba ng mga doktor.