Sir, Mam,
Dumating ako sa Saudi Arabia noong Hulyo 4, 2016 tapos noong July 25 ay hinimatay po ako sa bahay ng amo ko. Halos mamatay po ako noon mabuti may Pinay na tumulong sa akin hanggang magkamalay ako.
Hinimatay po ako kasi sa sobrang daming trabaho walang sapat na pahinga at pagkain. Hindi man lang ako pinagamot ng amo ko. Kahit gamot walang ibinigay sa akin. Noong nagkamalay po ako ‘di pa rin po niya ako pinatigil sa pagtatrabaho at ang sabi niya sa akin kung hindi raw po ako magtrabaho hindi raw ako puwede kumain.
Pati po sahod ko ay kulang, SR1,200 lang po sahod ko imbes na SR1,500.
Nakalagay rin po sa kontrata ko na sa Riyadh ako magtrabaho pero sa Taif po ako dinala malayo na po sa Riyadh. Natatakot na po ako trauma na po ako sa nangyari sa akin.
Ang nais ko po sanang mangyari ay makauwi na po sa Pilipinas.
Sana po at matulungan ninyo ako.
Annaliza Halog Bedania
***
Ang email ni Annaliza Bedania ay ipinaabot sa BayaniKa ni G. John Leonard Monterona, convener ng United Overseas Filipinos Worldwide na takbuhan ng mga kababayan nating OFWs na nagigipit.
Pero nakikipag-ugnayan sa BayaniKa ang U-OFWs upang mas mapabilis ang pagtugon ng mga ahensya ng gobyerno sa idinudulog na problema ng ating mga kababayang OFWs.
Naiparating na rin ang kasong ito ng U-OFWs sa S & I International ang recruitment agency na nagpadala kay Bedania sa Saudi gayundin sa counterpart nitong ahensya na Al-najalain Man power Office sa Saudi Arabia at maging sa opisyales ng POLO-OWWA RIYADH, OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR pero nananatili pa ring walang tugon ang mga nasabing mga tanggapan.
Kaya sa pamamagitan ng paglalathala natin ng kanilang hinaing ay umaasa tayong makakatugon sa lalong madaling panahon ang nabanggit na mga ahensya ng gobyerno at pribadong tanggapan kaugnay sa idinudulog na problema ni Bedania.
Katuwang ang U-OFW na pinamumunuan ni G. John Leonard Monterona ay nanawagan tayo sa AL MUSTAQBAL INTL RECRUITMENT AGENCY, POLO-OWWA RIYADH/AL KHOBAR OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT, OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR na silipin ang lagay ng OFW na si Annaliza Halog Bedania.