Nahiya kay Lord: 93 anyos na lalaki naiyak sa oxygen

May isang emosyonal na kuwentong sumuntok sa aming damdamin. Nabasa namin ang istorya sa isang panahong bagsak din ang ating emosyon dahil sa malaking epekto at pagbabagong hatid ng COVID-19.

May isang nobenta’y tres anyos na matandang lalaki na nahirapan sa paghinga, isinugod siya sa ospital ng kanyang mga anak, agaran siyang nilagyan ng oxygen.

Pagkatapos nang ilang oras ay bumuti na ang paghinga ng matanda. May iniabot na hospital bill sa kanya ang isang nurse, pinababayaran sa kanya ang paggamit ng ventilator nang ilang oras lang, napaiyak ang matandang lalaki.

Sabi sa kanya ng doktor ay huwag niyang ikalungkot ang pagbabayad sa paggamit ng ventilator, ang mahalaga ay maayos na siya, pero napaiyak ang lahat ng nandu’n sa umiiyak na pahayag ng pasyente.

Ang kanyang sabi, “Kaya ko namang bayaran ang sinisingil n’yo, walang problema ‘yan sa akin. Umiiyak ako dahil ilang oras ko lang na ginamit ang ventilator, pero pinababayaran n’yo sa akin, samantalang siyampanapu’t tatlong taon na akong nakahihinga nang wala akong binabayaran.

“Nalulungkot ako at nahihiya dahil napakalaki na pala ng utang na dapat kong bayaran kay Lord dahil sa ipinahihiram niyang oxygen sa akin nang libre lang.

“Ngayon ko lang naisip ang napakalaking utang ko sa Kanya,” sabi ng matandang lalaki na ikinaiyak ng lahat ng kanyang kaharap.

Totoong-totoo. Araw-araw tayong humihinga, pero parang balewala lang sa atin, naiintindihan lang nating ang kahalagahan ng hangin kapag isinusugod na tayo sa ospital.

May bayad ang ventilator. Binabayaran ang hanging mula sa tangke. Hindi nga magkakasya sa anumang calculator ang utang na dapat nating bayaran sa Diyos dahil sa libreng hangin na ibinibigay Niya sa atin sa araw-araw.

Haaaay….

Iza saksi sa delikadong buhay ng mga Frontliner

“Heroes work here!” ‘Yun ang malaking-malaking tarpaulin na nakakabit sa harapan ng isang ospital sa Amerika. Nakaaantig ng damdamin na makitang may mga nag-aalay rin ng mga bulaklak at cards para sa magigiting nilang frontliners.

Totoo naman kasing hindi lang ang mga armadong namamatay sa gitna ng digmaan para sa kapakanan ng ating bayan ang dapat ituring na bayani.

Nandito ngayon ang mga buhay na buhay na bayani ng ating bayan na isinusugal ang sarili nilang buhay para makapagligtas ng mga kababayan nating nagdurusa sa corona virus.

Sila ang mga doktor, nurses, nursing aide, caregivers, laboratory staff, janitor at iba pang uri ng trabahong umiikot sa loob ng ospital sa araw-araw.

Tama lang na umentuhan ng ating pamahalaan ang mga frontliners na patuloy na nagseserbisyo at pansamantala na munang ikalawang prayoridad ang kanilang mga pamilya para sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Nasaksihan ‘yun ni Iza Calzado na maraming salamat, naagapan agad ang kanyang sakit, kaya nakalabas na siya sa ospital. Ilang araw na nakita ng aktres ang delikadong buhay na pinagdadaanan ng mga frontliners.

May alok sa kanila mula sa iba-ibang bansa para magtrabaho, sampung doble ng kinikita nila dito ang pigurang tatanggapin nila, pero hindi nila ‘yun kinagat.

Sabi ng isang pamangkin naming nagtatrabaho sa isang malaking ospital, “Mas kailangan kami dito ng mga kababayan natin. Nu’ng gusto naming magtrabaho sa bansa nila, e, kung anu-anong dokumento ang hinihingi nila sa amin. Napakahigpit nila.

“Ngayong kinakapos sila sa mga nurses, biglang laki ng offer nila. Hindi bale na, mas masarap sa kaloobang makapagligtas kami ng mga kapwa Pilipino kesa sa ibang lahi,” sinserong komento ng aming pamangkin.

Hindi kami mapapagod sa pagpapasalamat sa mga kababayan nating frontliners na nakikipagsuntukan sa buwan ngayon para sa kaligtasan ng kanilang buhay.

Mabuhay kayong lahat! Pagpalain pa ang mabubuti n’yong puso! Maraming-maraming salamat sa pagpapahalaga sa ating lahi!