Nahulog sa riles ng MRT-3, tumalon o tinulak?

Parang sardinas ang eksena sa MRT. (Art Son)

Tumalon o tinulak?

Ito ngayon ang masusing iniimbestigahan ng Makati City Police kaugnay sa pagkakahulog ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa riles ng Metro Trail Transit (MRT-3) Guadalupe Station Makati City kahapon ng hapon.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang biktima na pansamantalang hindi binanggit ang pangalan na tinayang nasa edad na 21 hanggang 25, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at berdeng short pants, sanhi ng pinsalang tinamo sa katawan.

Sa report na natanggap ni Deo Manalo, General Manager ng MRT3 dakong ala-1:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa may Southbound lane ng Guadalupe Station sa Barangay Guadalupe, Makati.

Lumalabas sa imbestigasyon, paparating na ang train at mula sa flatform ay biglang napunta sa ibaba ang biktima. Agad naman nakatigil ang train kaya’t hindi ito nasagasaan.

Dahil dito, natigil ang biyahe mula sa Shaw Boulevard Station hanggang Taft Avenue Station sa Pasay City at libu-libong ang nai-stranded.

Patuloy ang imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente kung tumalon o tinulak ba ang biktima.