Dismayado ang isang Swiss national matapos itong pigilan nang isang araw at isang gabi sa Dayroom ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kung saan inaakala ring nagdodroga ito na nagnegatibo naman sa isinagawang pagsusuri.

Si Chrystel Mary, isang Swiss national, ay dumating kahapon sa NAIA Terminal 3 sakay ng Cathay Pacific Flight CX 913 mula Hong Kong.

Ang nasabing foreign tourist ay naharang ng Bureau of Immigration (BI) nang dumaan ito sa arrival immigration counter nang mabigo itong ma-establish ang lugar na kanyang pupuntahan dito sa Maynila.

Bunga noo’y naka-hold si Chrystel sa Dayroom holding area ng Terminal 3.

Lalo pang nalagay sa ­alanganin ang dayuhan nang manigarilyo ito sa loob ng kuwarto at nakumpiskahan pa ng isang teabag na hinihinalang marijuana.

Ayon kay Jerard Javier, ng NAIA-PDEA, batay sa resulta ng lab test ay nagnegatibo ­naman sa marijuana ang dayuhan at napag-alaman din na dahon ng tsa-a ang nakuha mula dito.

Sa kabila ng pagkadismaya ay nagpapasalamat pa rin ang dayuhan sa staff ng NAIA-PDEA sa magandang ipinakita ng pagtrato sa kanya sa holding area.