Nadale ng food poisoning ang siyam na empleyado na naka-assign sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang makabili ang mga ito ng pagkain sa kanilang suki na nagla­lako sa loob ng paliparan kahapon ng tanghali.

Ayon sa airport source, ang siyam na empleyado na umano’y na lason ay kinabibilangan ng anim na security guard, dalawang­ empleyado ng All Nippon Airways (ANA) at isang janitor ay isinugod sa NAIA medical clinic dahil sa patuloy na pagsuka ng mga ito.

Nabatid ang mga biktima ay bumili ng nilutong atay ng manok na may kasamang itlog sa kanilang suking naglalako ng pagkain sa iba’t ibang opisina sa loob ng airport na kung saan matapos ang dalawang oras makakain ng pananghalian ay sabay-sabay na nagtae at sumakit ang tiyan.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Mana­ger Ed Monreal na magsagawa ng imbestigasyon at pinayuhan ang mga empleyado sa paliparan na kumain na lamang sa employees canteen na matatagpuan sa basement.