Bukod sa mga taong galing sa mga bansang apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), mahigpit na rin ang monitoring ng mga awtoridad sa mga alagang hayop na dala ng mga pasaherong lumalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Dr. Noe Revilla, animal quarantine officer-in-charge sa NAIA Terminal 1, kanilang mino-monitor ang mga alagang hayop na karamihan ay mga aso mula sa iba’t ibang bansa, partikular ang mga apektado ng virus.
Aniya, pagdating sa NAIA ay kanilang hinihingan ang may-ari ng alagang hayop ng veterinary health certificate, import permit at mga dokumento na nagpapatunay na nabakunahan ng anti-rabies ang kanilang mga dalang aso.
Kamakailan lamang aniya, dumating ang isang Koreano na may dalang dalawang aso – Chihuahua at Bichon Frise – galing sa Incheon, South Korea sakay ng Korean Air.
Bagama’t nagpakita na umano ang may-ari ng aso ng veterinary health certificate at import permit na nagpapatunay na malusog ang kanyang mga alaga ay isinailalim pa rin sa masusing eksaminasyon ang mga hayop bago payagang makapasok sa bansa.
Sinabi ni Revilla na kapag walang naipakitang kumpletong dokumento ang may-ari ng mga hayop ay hindi ito papayagang makapasok at ibabalik sa bansang pinanggalingan. (Armida Rico)