Kaye Dacer

Hindi tayo nangmamaliit pero parang hindi tama ang nakita nating senaryo sa kahabaan ng EDSA partikular bago tumawid ng Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City kung saan ay kinukumpuni ang ilang bahagi ng nasabing kalsada.

Kung tutuusin mala­king proyekto ang EDSA, ibig sabihin dapat ay malalaking kontratista ang may hawak nito.

Unang-una busy at pangunahing daan ito ng napakaraming malala­king sasakyan.
Kanya nga lamang nang mapadaan tayo nitong Linggo, Marso 17 kung saan nagsasagawa ng re-blocking ay nanlumo tayo sa ating nakita.

Muli kung iginigiit na hindi tayo nangmamaliit pero bakit naman mga de-pala, kalaykay na mga trabahador lamang ang humawak ng proyekto?

Anong klaseng tibay ng kalsada ang kanilang magagawa kung tila mano-manong pagsemento ang kanilang ginawa? Hindi ba’t sobra namang pagtitipid ang ginagawa ng kung sinomang contractor na nakuha ng DPWH sa proyektong ito?
Aba’y sayang naman ang bilyones na pondo ng DPWH sa mga pagawain sa kalsada kung naiisahan sila ng mga nakukuha nilang kontratista na mukhang ipinapasa lamang sa maliliit na kontratista ang nakokopong proyekto sa national government.

Dapat itong maimbestigahan para mapanagot ang mga mapagsamantalang mga kontratista.

***
Ano kaya ang katotohanan sa kumakalat ngayong balita na mukhang may sulutang nangyayari sa pamamahala sa Southeast Asian Games na dapat ay pamumunuan ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano?

Diumano’y malilipat na ang pamamahala ng SEAG kina William ‘Butch’ Ramirez ng Phi­lippine Sports Commission at Cong. Prospero ‘Butch’ Pichay ng Philippine Olympic Committee.

Anyare? Hindi kaya may kinalaman ang pagbabagong ito sa limang bilyong pisong ipinondo sa PSC?

Sabagay, malaki-laking halaga talaga ito kaya tiyak na marami ang magkakainteres na pamunuan ang SEAG.

Kanya nga lang may isyu sa dalawang opisyal na ito dahil minsan na rin silang nakaladkad sa usapin sa pera.

Ano na ba ang nangyari sa kaso ni Ramirez na kinuwestyon sa ma­ling paggamit ng pondo ng PSC?

Si Cong. Pichay naman hindi ba’t kamakailan lamang ay sinuspende ito ng Sandiganbayan 4th Division dahil sa kinakaharap nitong kasong katiwalian kaugnay ng kanyang dating posisyon sa Local Water Utilities Administration (LWUA).

Baka pati integridad ng bansa ay mabahiran dahil sa pamamahala ng dalawa.
Kaya kung magpapalit ng mamumuno sa SEAG sana piliin naman iyong walang bahid ng katiwalian para hindi kakaba-kaba ang mga atleta at maging inspirado sa pakikipaglaban sa SEAG.

***
Para sa inyong komento at reaksyon mag-email sa aksyon_lady@yahoo.com.