Hindi na hinintay pa ng 33-anyos na tricycle driver ang kanyang sentensiya sa kasong carnapping makaraang magbigti umano ito gamit ang strap ng eco bag sa loob ng kanyang selda sa Camp Karingal sa Quezon City, Sabado ng umaga.
Nabatid na nakatira ang hindi na pinangalanang tricycle driver sa Caloocan City at inaresto ito noong Pebrero 6 ng mga barangay tanod sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City dahil sa kasong carnapping.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg. George Caculba ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-11:29 ng umaga natagpuang nakabigti ang biktima gamit ang strap ng eco bag na sinabit sa steel bar sa loob ng selda ng District Anti-Carnapping Unit sa Camp Karingal.
Ayon kay PCMS. Jerico Gonzales, duty desk officer at jailer, narinig umano niya na nag-iingay ang mga preso kaya pinuntahan niya ito at doon nalaman ang pagpapakamatay umano ng biktima.
Isinugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit dineklara rin itong patay na bandang alas-7:22 ng gabi, ayon kay Dr. Hererdo Manzo.
Inaalam pa ng pulisya kung may foul play sa insidente o ano ang motibo sa ginawang pagbibigti ng nabanggit na preso. (Dolly Cabreza)