Naisama sa drug list, empleyado nag-suicide

Matapos makatanggap ng impormasyon na nasa listahan umano ng drug personality, isang 23-anyos na empleyado ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili kamakalawa sa Pasay City.

Wala nang buhay nang matagpuan si Gilbert, ‘di tunay na pangalan, taga- Mali­bay, Pasay City.

Sa report na natanggap ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, alas-3:30 ng hapon nang matagpuan ang biktima ng kanyang live-in partner na si Katrina Mae Gay, 23, na nakatali ang leeg at nakabigti sa loob ng kanilang bahay sa nabanggit na lugar.

Kaagad na humingi ng tulong si Gay sa ilang kapitbahay para kalagan ang biktima subalit wala na itong buhay.
Nabatid na na-depress ang biktima nang may makarating na impormasyon sa kanya na nasa listahan ito ng mga drug personality at hinahanting umano ng mga pulis.

Dahil dito ay kinitil ng biktima ang sari­ling buhay kung saan patuloy pa ring iniim­bestigahan ng mga pulis ang insidente.

Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya para masigurong walang foul play. ­