Naka-5 MVP award! June Mar nilagpasan sina Alvin, Mon

Sinemento na ni June Mar Fajardo ang kanyang estado bilang pinakadominanteng manlalaro sa 43 taong kasaysayan ng PBA.

Nitong Linggo, Ene­ro 13, sa Philippine Arena sa Bulacan, sinungkit ni Fajardo ang kanyang panlimang Most Valuable Player trophy, isang pambihirang record na siya pa lang ang nakagawa sa prestihiyosong liga.

Ang mas nakakabilib pa, ginawa niya ito sa magkakasunod na taon, mula 2014 hanggang 2018 kanyang ipinagdamot ang pinakamataas na parangal sa mga karibal.

Noong nakaraang taon ay inihanay niya ang kanyang pangalan kina PBA legends Alvin Patrimonio at Ramon Fernandez, ngayon ay tuluyan nang inungusan ni Fajardo ang dalawang haligi ng liga.

Pero nanatiling nakatapak sa lupa si The Kraken, kahit puno na ng tropeo ang tahanan ay hindi pa rin naniniwalang siya na ang maituturing na PBA greatest of all-time.

“Sila pa rin ‘yung legends, Hindi ko akalain. Si Don Ramon, tinuruan pa niya ako nung nasa Cebu ako, tapos na-break ko ‘yung record niya. Nakakatuwa. Thankful ako sa kanila,” pakli ni Fajardo na six-time PBA champion din.

Hindi rin naging madali para kay Fajardo na basagin ang record, na muntikan pang masilat ng NorthPort star na si Stanley Pringle, lamang ang huli sa statistical points, 1032 kontra 1107, ngunit nakau­ngos si June Mar sa media votes na may 777 kontra 389 ni Stanley.

At kahit pa nakamit na ni Fajardo ang tugatog ng tagumpay, nananatili pa rin itong gutom, hindi hihinto sa pagpapalakas at hinang ng kanyang laro.

“Ayoko maging stagnant. Ayoko makuntento. Etong mga achivement ko, hindi ko ilalagay sa isip ko ‘yan. Dito lang,” ayon kay Fajardo habang nakaturo sa puso.