Arestado ang isang holdaper habang nakatakas naman ang kanyang kasamahan sakay ng kanilang bisikleta matapos holdapin ang dalawang nakatambay sa ASEAN Garden sa Bukaneg St., Malate, Maynila nitong Linggo ng umaga.
Ikinulong sa Manila Police District-Station 9 ang suspek na nakilalang si Alexander Recrio, 23-anyos, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik at nakatira sa F.B. Harrison, Pasay City.
Natangay naman ng kasabwat niya ang mga nakulimbat na Oppo cellphone na nagkakahalaga ng P7,000, power bank at coin purse na naglalaman ng P200 mula sa mga biktimang sina Jescel Fos, 23, at Alden Agramon, 22.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:45 ng madaling-araw nakatambay ang dalawang biktima sa ASEAN Garden nang lapitan sila ng dalawang suspek na armado ng double blade na patalim.
Pagkatapos makuha ang pakay, agad na tumakas ang mga suspek.
Nakakita naman ng mobile patrol ang dalawang biktima at humingi ng saklolo sa mga pulis na isinakay sila at tinugis ang mga suspek.
Bandang alas-6:40 ng umaga nang masakote si Recrio at nahulihan ng patalim na ginamit sa panghoholdap pero nakatakas ang kanyang kasamahan na nakilala pa lang sa alyas na ‘Rico’. (Juliet de Loza-Cudia)