Naka-charge na CP sumabog sa ulunan ng kelot, patay

Naka-charge na CP sumabog sa ulunan ng kelot, patay

Patay ang isang dating security guard matapos sumabog ang kanyang mobile phone na naka-charge sa tabi ng kanyang ulunan habang natutulog sa loob ng kanyang kuwarto sa bayan ng Lal-lo, Cagayan, ayon sa Lal-lo Municipal Police Station (LMPS) noong Lunes.

Ayon kay LMPS officer P/Sr. Master Sgt. Gilbert Columna, gabi ng Setyembre 27, 2019 nang maiwang mag-isa ang biktima na si Ro­gelio Fontiveros, 57-anyos, ng Barangay Centro matapos magtungo ang kanyang kapatid si Virginia Hermosa sa katabing barangay para dalawin ang kanyang anak.

Sinabi ni Columna, dalawang araw ang nakalipas ay pinauwi ng kanilang kamag-anak na nasa ibang bansa si Virginia dahil hindi nila makontak si Fontiveros.

Dito’y laking gulat ni Virginia nang makitang wala nang buhay ang biktima.
Sa pagsisiyasat ng LMPS, sumabog ang cellphone ng biktima na naka-charge sa tabi ng kanyang ulunan habang tulog na sanhi ng kanyang kamatayan. (Allan Bergonia)