Nakabibilib si yorme

Nakakabilib naman ang serbisyo publiko ni Manila Mayor Isko Moreno. Kung ang ibang lokal na opisyal ay ginagabi sa paggawa ng kalokohan, itong si yorme naman ay abala pa rin sa pagpapanatili ng kaayusan sa lungsod kahit abutin ng mada­ling-araw.

Nitong Linggo nang gabi lamang, sinuyod ni Moreno ang Tondo para ipagbigay-alam sa mga residente doon ang ipatutupad na curfew sa mga menor de edad.

Napasabak din ang alkalde sa habulan sa mga batang kalye na sumisinghot ng solvent upang mahuli at madala sa Manila Social Welfare Development.

Mula day one hanggang sa kasalukuyan, hindi tumitigil sa pagbibigay ng lunas sa problema ng Maynila. Kumbaga, hindi ningas kugon ang kanyang kampanya dahil sa tuloy-tuloy ang implementasyon nito. Hindi rin uubra sa kanya ang mga katagang ‘natutulog sa pansitan’ dahil hindi niya tinutulugan ang problema.

Kaya naman marami ang nagsasabing kaya lang daw ito ginagawa ni yorme ay dahil sa binabalak nito sa 2022 elections. Pero pinatay na ni Moreno ang espekulasyong ito nang ideklara niyang hindi siya tatakbong vice president o president sa susunod na halalan.

Paano kung mismong mga mamamayan ang manawagan sa kanya na tumakbong presidente o bise presidente? Makakatanggi pa ba si yorme kung mismong ang taumba­yan na ang umaapela? Masasagot ito pagsapit ng taong 2022.

***

Higit sa 10,000 guro ang kukunin daw ng Department of Education sa susunod na taon. Actually, 41,000 daw ang kailangan nila pero 10,000 lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM). Imbes na dagdagan ang kanilang suweldo, karagdagang guro ang inaprubahan ng DBM.

Bawat guro ay magkakaroon ng starting salary na P21,000 bukod pa sa 2-month paid vacation, bonus at special hardship pay. Bukod diyan, may mga karagdagang allowance pa silang matatanggap.

Malungkot man ang higit 800,000 guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa dahil walang pay increase sa proposed 2020 natio­nal budget, happy naman ang makukuhang 10,000 guro na magsisimula sa kanilang pinasok na propesyon.