Isang iginagalang at beterano nating kasama sa “sports beat” ang nagsabing medyo “natutulog” yata sa pansitan ang mga awtoridad sa karera.

Bakit kanyo? Nang tignan n’ya kasi ang website ng industriya ng karera ay noon pang Enero ang pinakabagong entry o account na nakahain doon.

Ibig sabihin tatlong buwan na eh wala pa ring updates sa aktibidad sa karera na puwedeng makita ng mga karerista at miyembro ng media na sumusulat ng karera. Paano maipu-promote ang karera n’yan sa bansa ganung ultimo mga awtoridad nito ay natutulog sa pansitan?

***

Hindi lang tayo, maraming karerista ang gustong maulit ang karera ng PCSO Special Maiden Race noong Sabado sa MetroTurf Racing Complex nang manalo ang sobrang dehadong Breaking News.

Sakay si jockey Renz Ubaldo, nagparemate sa balya pagsungaw ng homestretch ang kabayo ni Putch Puyat para gulatin ang dalawang nag-aagawan sa unahan na sina Scarborough Shoal at Cervesa Rosas.

Biglang itinaas ni jockey Ubaldo ang kanang kamay nito nang tumawid ng finish line may dalawang kabayo pa ang lamang sa sumegundong Scarborough Shoal. Nakuha ni Breaking News ang P600,000 first prize at breeder’s prize na P50,000, P225,000 kay Scarborough Shoal. Sa tumerserong Cervesa Rosas ay P125,000.

Ang iba pang nagsipagtapos sa karerang ito na pinaglabanan sa distansyang 1,400 ­meters ay sina ­Flawless Diamond, Batang Poblacion, Lady Geisha, at Flash Dance.

Si PCSO General Manager Alexander Balutan ang nag-abot ng tropeo sa winning connection. Kasama rin si Asst. Gen. Manager Dodie Zabella at iba pang mga opisyales ng PCSO.