Dear Kuya Rom,

Ako ay 37 at siya 35 nang ikasal kami. Kami ay 10 years nang nagsasama. May tatlong anak. Maraming nangyayaring pagbabago sa buhay namin.

Pero sa birthday ko last month, binigla niya ako. Hindi raw siya nakikipagkita sa ibang lalaki, pero sabi niya, she feels hindi na niya ako love.

Gusto kong magalit, pero nagpigil ako ng sarili. Ang nasabi ko lang sa kanya, mahal ko siya, at kung may nangyayari man sa relationship namin na hindi maganda at hindi ko alam, ipaalam niya sa akin at makikinig ako.

Naniniwala akong tapat siya sa akin. Pero naiisip ko ang mga anak namin. Ayaw kong magkaroon sila ng broken family. Hindi ako papayag na sirain ng asawa ko ang buhay ng pamilya namin.

Ako ay may sariling negosyo. Hindi niya kailangang magtrabaho. Siya ay manager sa kompanya nila, pero parang bored siya sa trabaho.

Ito kaya ay dulot ng pagtanda o menopause na nakagulo at nakaapekto sa kanya? May magagawa ba ako? — Roland

Dear Roland,

Maaaring dalawang bagay ang naglalaro sa isip niya. Una, itinapat niya sa birthday mo ang pagsasalita niya, sapagkat umaasa siyang maramdaman mo ang apekto ng pagtanda.

Pangalawa, gusto niyang mabigla ka para away­in mo siya, lilkha ito ng krisis sa inyong relasyon, at magkakaroon siya ng dahilan para iwanan o hiwalayan ka niya, na walang ginagawang solusyon sa problema.

Mainam ang ginawa mong pagpipigil ng sarili. Hindi ka nagalit, at hindi mo siya inaway.

Sinabi mong mahal mo siya, at handa kang makinig sa kanya. Para sa kanya, masarap pakinggan ang sinabi mo sa kanya, pero mahirap gawin.

Ang pisikal na bahagi ng pagmamahalan ninyo sa isa’t isa ay unti-unting nawawala dahil sa katandaan. Hindi kayo sanay na pinag-uusapan ito, mahirap buksan ito, at masakit pakinggan ito.

Posibleng may mga problema pa kayong iba na kailang­ang pag-usapan ninyo, pero kakaiba ang mga naiisip niyang solusyon na maaaring ikabigla mo. Nagkapatung-patong na ang mga problema ninyo, na hindi nasasagot ng pera.

Ang pagtanda ay parehas na nararanasan ng lalaki at babae. Ito ay umaapekto sa ganda ng katawan, talas ng isip, pisikal na lakas, at kalusugan.

Kay misis, ang menopause ay nakakaapekto sa maraming bagay sa kanyang pagkatao  pabagu-bagong timpla ng isip at damdamin, hindi maipaliwanag na sobrang pagpapawis, humihinang init at lakas sa pakikipagtalik, at marami pang iba. Mabuting huwag mong ipilit ang sex sa kanya.

Hindi solusyon ang paghihiwalay. Para sa misis mo, naguguluhan siya, hindi siya komportable, at nahihiya siya sa mga nangyayari sa kanya.

Ang pagiging ‘bored’ sa trabaho ay isang uri ng pagtakas at pag-iwas na harapin ang mga hamon ng buhay.

Mabuting kumonsulta at humingi kayong dalawa ng payo at gabay sa isang pastor, doktor o psychologist.

Tulungan mo ang iyong misis na haraping lahat ang mga ito na may pag-ibig, panalangin, at maka-Dios na karunungan. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom