DONDON HONTIVEROS, MARK CAGUIOA at YANCY DE OCAMPO
DONDON HONTIVEROS, MARK CAGUIOA at YANCY DE OCAMPO

Maski nasa takipsilim na ng kanilang mga career sa PBA, nabiyayaan pa rin ng P420,000 monthly basic paycheck sina veterans Mark Caguioa, Dondon Hontiveros at Yancy de Ocampo.

Sa tatlo, ang 14-year pro league veteran na kalahati ng The Fast and The Furious ng Ginebra ang nakapagpakita pa ng asim sa katatapos na 41st 2015-16 season, natulungan ang team sa third conference ­Governors’ Cup kontra Meralco.

Kaya naman nabigyan pa si Caguioa, magte-37 na sa Nov. 19, ng P10.8-million, two-year contract extension. Hindi pa kasama ang perks at bonuses sa nabanggit na halaga.

Lalaro pa ng isang taon ang nasa ika-17 season na niya sa liga na si Hontiveros, 39, sa Alaska na natulu­ngan niya sa dalawang Finals stints sa katatapos ding season sa presyo nga lang na P5.04M.

May gaya nang nalagdaan sa Aces ni Hontiveros ang 14-season vet na ring si De Ocampo, 36, sa San Miguel na naayudahan niya sa first conference ­Philippine Cup title.

Humanay sa mga players na may maximum monthly salary si Raymond Almazan na may P420K na rin sa P15.12M na tatlong taong kontratang pinirmahan sa Rain or Shine na sinamahan niya sa championship ng mid-season Commissioner’s Cup.

Nakatakda na ring pumirma ng maximum three-year pacts sina Mac Belo, Kevin Ferrer, Roger Pogoy at Ael Banal sa Blackwater, Ginebra, TNT at Elite,  matapos mahugot ang Gilas Pilipinas pool members na unang tatlo sa special draft at ang huli ay sa regular draft nung Linggo.