Kahit anong klaseng panggigiba ay hindi kayang matinag lalo na’t may pundasyon.
Ganito ang kapalaran ni incumbent Taguig City Mayor Lani Cayetano na sure win na bilang congresswoman sa 2nd District ng siyudad sa isang survey na inilabas ng Pulse Asia kamakailan.
Sa Pulse Asia Research Inc., nakaraang buwan ay 81% ang hinamig ni Mayora sa mga rehistradong botante na gusto siya sa puwesto malayong-malayo sa 11% ng katunggaling ni Che Che Gonzales.
Inusisa ng survey ang mga botante kung sino ang kanilang iboboto bilang representante ng 2nd District ng Taguig para sa May 2019 elections.
Nalaman din natin na ito palang makakatunggali ni Lani na si Che Che ay dating konsehal na tumakbo rin at ligwak din dati kay Pia Cayetano noong 2016 para sa Taguig 2nd District ng Kongreso.
Kanya nga lang survey pa lang ito, ang tunay na resulta ng eleksyon ay malalaman natin sa May 2019.
Kumbaga ay patikim lamang ang mga resultang ito na maaaring panghawakan ng mga mananalo at matatalo at siyempre ng mga botante.
***
Hanggang nasa poder si Pangulong Rodrigo Duterte, alam ng mga sindikato sa droga na hindi huhupa kahit kailan ang lagablab ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Ang mga mokong na ito, alam nilang mahahagip sila kung kaya’t nag-iba ng istilo para maipuslit ang mga iligal na drogang ibabagsak nila sa kanilang merkado.
Nitong linggo lang, may nakuha na naman ang mga pulis sa Police Regional Office (PRO) 13 na 34 bloke ng cocaine na nagkakahalaga ng P230 milyon sa karagatan na nakapaligid sa Surigao Del Sur.
Halos kada linggo mula Quezon, Camarines Sur hanggang Surigao del Sur ay may nakukuhang cocaine.
Nakakaalarma ang ganitong balita, lalo na’t ang giyerang nilunsad ni Pangulong Duterte at ng una niyang PNP Chief na si Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay hindi pa natatapos.
Kamakailan lang, isang 19-year-old nursing student na si Ashley Abad ang namatay sa drug overdose.
Nu’ng isang linggo, dalawang dayuhang Intsik ang nahulihan ng P275 milyon halaga ng shabu sa Dasmariñas, Cavite.
Mantakin niyo, dadalawang tao lang ‘yan, ngunit ang hawak na shabu ay daan-daang milyon.
Saan humuhugot ng tapang ang mga ito para suwayin ang utos ng Pangulo?
Lubhang nakakaalarma ang linggo-linggong pagtuklas ng mga lumulutang na bloke ng cocaine at malalaking bulto ng shabu sa ating mga karagatan.
Pero sabi ni Bato maaaring divertionary tactic na lang ang mga pinapalutang na droga sa ating mga karagatan para dito matuon ang atensyon ng awtoridad habang sabay naman na naipupuslit sa ibang paraan sa malalaking siyudad ang tunay na cocaine.
Marahil panahon na rin para magpasa ng bagong batas na magpapakabog sa mga sindikato sa droga.
Kung siya nga raw ang masusunod, nais ni Gen. Bato dela Rosa na ibalik ang parusang kamatayan sa mga pusher ng droga para mahadlangan ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
‘Wag sanang dumating ang araw na lulong na sa droga ang halos lahat ng kabataang Pilipino, kaya dapat seryosohin ang labang ito.