Dear Ma’am/Sir,
Dahil sa paglatag ng “All-out-war” ng gobyerno, tuloy-tuloy na ang pagsuko at pagkahuli sa mga armadong rebelde katulad ng NPA nitong mga nagdaang linggo. Pero meron pa rin sa kanila na lumalaban at nanggugulo sa mga liblib na barangay. Katulad na lamang ng patuloy na extortion activities na ginagawa nila dito sa Batangas.
Pilit silang humihingi ng mga produkto ng mga magsasaka na kung tutuusin ay kulang pa para sa kanilang pamilya. Patuloy ang pananakot nila at kung hindi masunod ang gusto sasaktan nila at nagbabantang susunugin pa ang kanilang sakahan.
Hanggang kailan sila matatapos? Hanggang kailan sila hihinto sa paninikil nila sa mahihirap? Hindi pa ba sila nakakapag-isip-isip magbalik-loob?
Gumagalang,
RAM C. NAVARRO
Lian, Batangas
***
Dear Sir:
Pinugutan na ng ulo ang bihag ng Abu Sayyaf na si Jurgen Kantner, isang German national dahil sa kabiguang magbayad ng ransom ang gobyerno at pamilya nito kapalit ng kanyang kalayaan.
Ngunit kahit na ganon ang nangyari naniniwala ako na tama pa rin ang No Ransom policy na inihayag ni PAO spokesman Col Edgard Arevalo dahil ang ASG hindi titigil sa pagkidnap at paghingi ng ransom.
CHERRY PHEN
Zamboanga
***
Dear Sir:
Kasabay ng pag-angkin ng China sa West Philippine Sea ay unti-unti rin nitong tinambakan ng lupa ang ibang bahagi ng karagatan at nagtayo ng mga imprastraktura. Wala pang idineklarang lehitimong nagmamay-ari rito ngunit iligal na itong sinasakop ng bansang tila gahaman na sa mga teritoryo. Matatandaang hindi lamang Pilipinas ang nakakabangga nito sa usapin ng pagkamkam at pagsasabing kanila ang mga dagat na tulad ng nasasakupan ng Japan, Vietnam at iba pang karatig na bansa nito.
Napabalita pa na ang mga gusaling itinatayo ng China ay mayroong mga missile bases. Hindi naman tayo ignorante para hindi klarong maintindihan ang binabalak ng China.
Nakakabahala na ang pagiging bakaw ng China sa mga teritoryo at pinapakita nilang handa sila sa anumang giyera posibleng maganap sa hinaharap.
JASON R. GARCIA
Misamis Oriental