Nakakatakot na babala

Bigyan ng proteksyon ang media

BOYET JADULCO

Nakakatakot naman ang babala ng UK-based Oxford Economics na ang Pilipinas ang pinakagrabeng tatamaan sa hanay ng emerging markets sa 2020 kapag umakyat sa $100 per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan pagsapit ng dulo ng 2019.

Base sa report ni Gabriel Sterne na may titulong “Global impact of Brent at $100 per barrel”, tinukoy niya ang Pilipinas sa isa sa matinding tatamaan kapag tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Umaasa lang ang Pilipinas sa inaangkat na langis kaya’t kapag sumirit ang presyo nito ay hagip nito ang presyo ng bilihin sa bansa. Noong nakaraang taon lamang, umakyat ang inflation dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng langis. Dahil dito, apektado ang pag-angat ng Gross Domestic Product o GDP.

Ayon pa sa report, mahahagip din ng napipintong pagtaas ng presyo ng langis ang ekonomiya ng China at India, gayondin ng Spain, Hong Kong, France, United Kingdom, South Africa, Brazil, Germany, Japan, Italy, Canada at maging Estados Unidos.

Tiyak na mauungkat na naman ang diskusyon sa pagsuspinde sa excise tax sa produktong petrolyo. Di ba’t sinuspinde ni Pangulong Duterte ang implementasyon ng ikalawang round ng dagdag sa excise tax, pero dahil sa bumaba ang presyo ng langis sa world market ay nagpatuloy din ang implementasyon nitong Enero 2019.

Malayo pa ang Disyembre at sana naman ay hindi magkatotoo ang babala hinggil sa pagsirit ng oil price sa katapusan ng taon. Kapag natuloy kasi ito, panibagong dagdag pasanin na naman ito sa mga ordinaryong Pinoy.

Kung nagkataon na ngayong campaign period tumaas ang presyo ng langis at tinamaan ang presyo ng mga bilihin, apektado nito ang mga kandidatong kaalyado ng administrasyon. Dagdag bala naman ito sa hanay ng mga kandidato ng oposisyon at baka lumaki pa ang bilang ng posibleng manalo sa hanay line-up.

Sa ngayon ay mainit ang isyu ng sangkatutak na Chinese sa bansa, pero hindi apektado nito ang mga kandidato ng administrasyon dahil ang latay ay nasa Malacañang.