Personal kong napanood ang binanggit ni DILG Secretary Eduardo Año para maisabay ni mister si misis sa pagbiyahe ngayong GCQ ay lagyan na lamang ng sidecar ang motorsiklo niya dahil hindi daw talaga uubra ang angkas sa mga panahong ganito.

Matindi daw ang mangyayaring hawaan ng COVID19 kapag pinayagan na nila ang angkas sa mga motorsiklo kaya para maipatupad pa rin ang social distancing kahit kasabay si misis, aba’y dapat na kabitan ng sidecar ang motor niya.

Gagawa naman daw ng tricycle lane kaya siguradong may madadaanan ang mga ito, kagaya ng mga nakasingle na motor lamang.

Medyo natatawa lang ako sa naturang ideya bilang dating tricycle driver sa probinsiyang aking pinanggalingan noong ako ay tinedyer pa lamang.

Ang naturang ideya ay parang hindi pinag-isipan ng mabuti ng kung sino mang nagsuhestiyon kay DILG Secretary Año bakit kamo?

Sa nakikita ko kasi, baka lalong dumami ang aksidenteng kinasasangkutan ng mga nagmomotor at ibang uri ng sasakyan dahil hindi naman kasing-dali ng single na motor ang pagmamaneho nito.

Unang-una, ano bang klase ng sidecar ang ikakabit? Ito ba yung pampasahero na kayang magsakay ng tatlo katao? ‘Yung panghakot ng gulay sa Divisoria? Yung parang kulungan ng baboy? O kagaya ng mga ginagamit ng mga padyak sa Malanday, Valenzuela na pantawid sa baha?

Pangalawa, mag-iiba na ang handling ng rider sa motor kapag ito ay naging traysikel na dahil sa arangkadahan may paling ito sa kanan dahil ang huling gulong ang kumakayod at ang nasa kanan ay sunod-sunuran lang.

Pag nagpreno ka naman, papaling sa kaliwa yan dahil ang kakapit lang naman ay mga gulong ng motor dahil ang nasa sidecar ay walang namang preno.

At ang matindi, pansamantala lang naman daw ito dahil kapag may bakuna na laban sa COVID19, puwede na ulit ang angkas, so anong mangyayari sa sidecar? Ibibitin sa gilid ng dingding?

Hindi na po biro ang pagpapagawa ng sidecar dahil ang gastos dito ay puwede na ring pangdownpayment sa isa pang motor.

Natatawa po talaga ako.

Kuwentuhan po tayo sa FB, add po ninyo ako @Carlito Evangelista
Ayos ba?