Wala pa ngang desisyon sa naunang kinakaharap na kaso, may panibagong asunto na naman ang isang wanted na tricycle driver makaraang matunton ito sa loob ng kulungan sa Malabon City kamakalawa.
Napailing na lang si Marvin De Los Santos, 23, nakatira sa Lot 12, 1st St., Brgy. Tañong ng nasabing lungsod matapos isilbi sa kanya ang warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile Osinada ng Regional Trial Court (RTC) Branch 289, Malabon City, na may Criminal Case No. 17-325 MAL sa kasong Violation of Swc. 5 (a) of R.A. 9262.
Mismong si SPO2 Gilbert M. Bansil, ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ang nagdala ng mandato de aresto sa akusado sa loob ng Malabon City Police Station Custodial Facility, dakong alas-4:30 nang hapon.
Napag-alamang may tatlong buwan na ring nakakulong si De Los Santos dahil sa kasong Violation of sec. 11 of R.A. 9165.
Noong Lunes nang umaga, lumabas ang panibagong warrant ng akusado at nang beripikahin ang record sa police station, nalaman na nakapiit na ito kaya hindi na nahirapan pa ang grupo ni SPO2 Bansil na hanapin si Delos Santos. (Orlan Linde)