Nakaramdam ng sintomas ng COVID nagbigti

Hinihinalang dahil sa matinding takot sa nararamdaman umanong sintomas ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 kung kaya’t winakasan ng isang 56-anyos na caretaker ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa kanilang tahanan sa Quezon City Martes ng umaga.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCMS Elizalde Toledo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, dakong alas-11:45 ng umaga nang matagpuang nakabigti ang hindi na pinangalanang biktima.

Sa salaysay ng isang babaeng kaanak ng nasawi, kagigising lamang niya nang utusan siya ng kanyang nanay na tingnan ang biktima sa silid nito.

Nabatid na may sakit ang biktima at nahihirapang huminga,

Subalit pagpasok umano niya sa kanilang sala ay bumungad sa kanya ang nakabigting biktima. Agad namang humingi ng saklolo ang mga kaanak ng biktima sa kanilang mga barangay official na mabilis namang nag-report sa pulisya,

Nakakuha naman ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO),

sa pamumuno ni Major Joseph Infante, ng suicide note ng biktima.

Nakasaad umano sa sulat na may pera sa kanyang wallet ang biktima at inihabilin na panggastos na lamang ito ng kanyang mga naulila kapag wala na siya.

Nakiusap din ito na huwag na siyang ipasok sa bahay sa halip ay dalhin na lamang sa barangay hall o ipalibing agad sa sementeryo.

Binanggit pa sa sulat na hindi na umano kaya ng biktima ang nararamdamang sakit sa kanyang dibdib.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente. (Dolly B. Cabreza)