Nadagdagan pa ng 172 bagong kaso ang bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) subalit patuloy din sa pagdami ang mga nakakarekober kumpara sa bilang ng mga nasawi nitong nakalipas na ilang araw.
Base ito COVID-19 Case Bulletin #036 ng Department of Health (DOH) na isinapubliko alas-kuwatro kahapon ng hapon, Linggo.
Sa ulat ng DOH umabot na sa 6,259 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong COVID-19 positive.
Umakyat na rin sa 572 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng nakarekober dahil sa panibagong 56 katao na gumaling sa COVID-19.
Habang nadagdagan naman ng 12 ang bilang ng mga namatay sa COVID-19 at umakyat na ito sa kabuuang 409.
Samantala, sa Beat COVID-19 virtual presser kahapon, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na palalabasin na sa ospital o pauuwin ang mga pasyenteng nakarekober sa COVID-9 alinsunod na rin sa discharge criteria na nakasaad sa mga panuntunan ng DOH.
Pinayuhan din ni Vergeire ang mga pasyenteng nakarekober sa sakit na sumunod pa rin sa mga panuntunan kahit nakalabas na sa ospital.
“Para sa mga discharged patients, kailangan pa rin po ng close follow-up and monitoring, dapat silang magpahinga ng dalawang linggo pa pagkalabas ng ospital o quarantine facility, iwasan pa rin ang paglabas ng bahay at magsusuot pa rin ng mask lalo na kung kayo ay lalabas,” sabi ni Vergeire.
Kapag nakitaan uli ng mga sintomas ng COVID-19 ang isang pasyente, pinayuhan sila ni Vergeire na makipag-ugnayan agad sa primary health care facility sa kanilang lugar para sa referral upang sumailalim sa
“Mayroon tayong mga step-down care facility kung saan lahat ng naka-recover o discharged na pasyente at magpapagaling pa ng 14 days ay maaring magpunta. Makipag-coordinate lamang kayo sa mga local government units para malaman kung nasaan ang mga step-down care facilities, ito po ang level 1 hospitals natin,” ayon kay Vergeire. (Juliet de Loza-Cudia/PNA)