Hinihinalang nakosensya kung kaya’t nagbaril sa sarili ang isang lalaki na nasangkot sa insidente ng hit-and-run sa bayan ng Valencia sa Negros Oriental kamakailan.
Nabatid na natagpuang patay na si Henry Bayona Centino sa loob ng bahay nito sa Dumaguete City matapos na magbaril umano sa kanyang bunganga.
Kinumpirma ni Dumaguete Police chief Supt. Jonathan Pineda na si Centino ang suspek sa insidente ng hit-and-run sa isang 12-anyos na batang babae noong Linggo nang hapon.
Ayon kay Pineda, base sa kanyang mga imbestigador, lumalabas na minamaneho ni Centino ang Isuzu Crosswind na nakasagasa sa biktimang si Jasmine Digno na taga-Brgy. Cantil-e, Dumaguete City.
Kasama aniya ni Centino ang ilan sa kanyang mga board nang mangyari ang insidente.
Matapos masagasaan ang batang babae ay pinaharurot ni Centino ang sasakyan at muntik pang may masagasaan na isa pang tao dahilan para bumaba na lamang ang kanyang mga kasama.
Inakala ng mga kasama ni Centino na tumuloy ito sa pinakamalapit na police station para isuko ang sarili.
Sabi ni Pineda, lasing si Centino nang masagasaan nito ang batang babae at galing umano ito at ang kanyang mga kasama sa Forest Camp sa Valencia kung saan dumalo sila sa isang party.
Ayon kay Pineda, posibleng nagbaril sa kanyang bunganga si Centino noong Linggo nang gabi at kinabukasan, dakong alas-9:00 nang umaga, natagpuan siyang wala nang buhay sa loob ng kanyang bahay sa San Jose Extention.
Narekober ng mga pulis na nag-imbestiga sa insidente ang isang kalibre .45 at isang basyo ng bala nito. (PNA)